ISANG BUKAS NA LIHAM
Buwan
ng Wika at Araw ng mga Pambansang Bayani kaya sa Pilipino ko isinulat ito –
Isang bukas na liham-pahayag para sa bagong henerasyon ng mga kabataang
nagtatangkang maging aktibista. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ng pamilya
Marcos sa inyo at naging tagahasik kayo ng black
propaganda laban sa kanila. Biktima ba kayo? Ang inyong mga magulang?
Nasaksihan niyo ba ang mga pangyayari o ito’y idinuldol lamang sa inyong
pananaw at isipan?
Ako
po, panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos nang gibain ang bahay namin sa
Navotas ng walang karampatang kabayaran. Nasa high school pa lang ako noon. Dalawa lang kami ng nanay ko na
nagpalipat-lipat ng tirahan habang kung ilang taong sinikap niya na mabigyan
kami ng kabayaran; dumanas kami ng hirap, lalo na ang nanay ko; at muntik na
akong hindi nakapag-aral kundi sa tulong ng mga kaibigan at kamag-anak ng tatay
ko. Naging aktibista ang pananaw ko at sumama pa ako sa mga kilos-protesta ng
Kabataang Makabayan (KM) laban kay Pangulong Marcos. Ang nanay ko ang nanatiling
naniniwala kay Marcos – Loyalista hanggang sa pagtanda at huling hininga.
Salamat
sa gabay ng nanay ko, hindi ako tuluyang nahatak sa kilusan. Taglay ko ang
adhikaing makabayan at hindi iyon mawawala sa akin. Hindi naman sa pagbubuhat
ng bangko, pero kung nagtuloy ako, baka naging kasapi ako ng central committee ng Communist Party of
the Philippines (CPP) o kumander ng New People’s Army (NPA). Sa Halip,
nagsaliksik ako at napatunayan sa sarili ang maraming katotohanang gumising at
nagmulat sa akin. Hindi lang ako, maging ang mga naging mentors ko noon – Ka Nilo Tayag, Co-founder at Chairman ng
Kabataang Makabayan (KM) at Secretary General ng CPP, Dominador "Ka
Domeng" Arellano, Spokesman ng Pambansang Samahan ng Makabayang Tsuper
(PSMT), etc., ay nakasama ko rin sa pagbabagong-pananaw. Dahil nadiskubre namin
na ang tunay na kaaway ay hindi si Marcos, kundi ang mga oligarkong kumukontrol
sa lipunan at negosyo, ang mga lintang pulitiko at militar na nagpapasasa sa
yaman ng bayan, ang mga pasistang nakaabito na lumilinlang sa kaisipan ng
mamamayan, at ang mga dayuhang nanghihimasok at nagsasamantala sa ating
soberanya at yamang-kalikasan. Sa aming pagsasaliksik, nalaman namin na hindi
Komunismo ang ideolohiyang kailangan ng Pilipinas kundi marapat magkaroon ito
ng sarili at lantay na pananaw at pilosopiya mula sa sarili nitong kalinangan,
kultura at kasaysayan (Minsang tinukoy ko itong Maharlikanismo). Sa madaling
salita, naliwanagan at nagising kami sa katotohanan. SANA MAGISING NA RIN KAYO
AT MAKIPAGKAISA PARA SA BAYAN!
Ngayon
kung nais ninyo ay maging aktibista para sa bayan at mamamayan, dapat pananaw
at kapakanan nila ang inyong pinapanigan. Ang taong-bayan ay maliwanag na mulat
at gising na sa katotohanan. Pinili nilang ibalik ang isang Marcos sa
Malacañang. Huwag ninyong baliwalain ang kanilang kinimkim na galit sa loob ng
tatlong dekadang panlilinlang ng mga trapong pulitiko at dilawang media. Kung kayo ay sasalungat sa
kagustuhan ng taong-bayan, para kanino kayo gumagalaw?
Sa
palagay ninyo makakakuha kayo ng simpatiya at pagsang-ayon mula sa taong-bayan
sa ganitong propaganda na patuloy na paninira sa kanilang inihalal na pangulo?
Bakit
hindi ang tungkol sa Mendiola Massacre at Hacienda Luisita Massacre ang ilaban
ninyong magkaroon ng katarungan? Bakit hindi ninyo tulungan ang pamahalaan
upang masugpo ang pagsasamantala ng mga buwitreng negosyante na siyang nagpapataas sa
halaga ng mga bilihin? Bakit hindi kayo tumulong na ilantad sa publiko ang mga
nagpapakalat ng maling impormasyon o ang mga nanabotahe sa ekonomiya? Huwag
kayong pasuhol sa mga nananamantalang mangangalakal, buwayang pulitiko at pasistang
oligarko. Dito, susuporta sa inyo ang taong-bayan!
Ang
kulang sa kasalukuyang mga nag-aambisyong maging aktibista ay pagsasaliksik sa
kung ano ang katotohanan at pagsusuri ng mga pananaw na nagpapagalaw sa lipunan.
Napakahabang salaysayin kung iisa-isahin ko, pero kung hangad ninyo ay patas na
pagsasaliksik at katotohanan, basahin ninyo ng buo ang mga sinulat ko sa aking
mga blog posts. (Maaring isipin ninyo
pagkabasa ng mga ito na ako’y isang Loyalista ni Marcos. Tama, naging Loyalista
ako matapos ang masusing pagsasaliksik at pagtitimbang sa mga pangayayari,
subali’t ang pagkamakabayan ay hindi ko kailanman tatalikuran.)
Magbibigay
ako ng ilang halimbawa:
1.
SI NINOY AQUINO AY HINDI KAILAN MAN MAITUTURING NA BAYANI! Marami sa mga dating
kasapi ng kilusang aktibismo ang nakatuklas na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr ay
isa umanong “double agent” na nagtatrabaho para sa US State Department (USSD)
at Central Intelligence Ageny (CIA). Nagsimula siya sa gawaing ito bilang media correspondent sa Korean War.
Pagkatapos ay naging ahenteng ispiya siya ng mga Kano sa pamahalaan ni
Pangulong Ramon Magsaysay habang nakikipag-usap kay Luis Taruk, pinuno ng
Partido Socialista ng Pilipinas. Pagkatapos nito, palihim din siyang tumulong
na mabuo noon ang CPP-NPA-NDF ni Jose Maria “Joma” Sison at Bernabe “Kumander
Dante” Buscayno. Si Ninoy at si Joma ang nagplano ng pagbomba ng Plaza Miranda
(Agosto 21, 1971), na ibinintang nila kay Marcos. Pero ang hindi alam ni Joma,
binigyan ng CIA si Ninoy ng go-signal
sa planong ito. Ang layunin ay upang magkagulo at matanggal nila sa puwesto si
Pangulong Marcos. Nang magtrabaho ako bilang freelance researcher para kay Senador Jovito Salonga, na
maituturing na pader ng Liberal Party noon, nakumpirma ko ang bagay na ito. Hindi
makapaniwala ang senador na magagawa ni Ninoy ito subali’t si Buscayno diumano
mismo ang nagtapat sa kaniya ng katotohanan. Dito nagsimulang umasim ang
ugnayan nila ni Cory at sumuway siya sa kagustuhan ng balo ni Ninoy na
panatilihin ang base-militar ng mga Kano sa Pilipinas. Tinanggal naman siya
bilang Senate President at inilaglag bilang kandidato sa pagkapangulo ng mga
dilawang puitiko (Sayang, isa sana siyang naging magaling na pangulo ng bansa). Bagama't may mga nailahad na siya sa publiko at sa kaniyang aklat na A Journey of Struggle and Hope, labis ang pagka-loyal ni Salonga
sa Liberal Party kaya isinama na lang niya hanggang libingan ang marami sa mga
katotohanang natuklasan niya tungkol kay Ninoy.
Si
Joma Sison, hindi man niya aminin, pero maraming beses niyang pinuri si Marcos
noon, lalo na nang simulan ng pangulo ang kaniyang Independent Foreign Policy
at magsimulang makipag-ugnayan sa mga socialist
countries na China, Russia, Cuba at Libya. Kaya lang kapag umamin kasi
siya, malalantad din na nalinlang siya ni Ninoy Aquino na isang ngang double-agent ng CIA at USSD, at sa ilang
pagkakataon ay nagamit pa ang puwersa ng CPP-NPA-NDF sa plano ng mga Kano na
pabagsakin si Marcos. Tandaan din ninyo,
kayong galit ngayon sa bansang China pero mga tagahanga ni Joma, na ang
ideolohiya na gumagabay sa CPP ay Maoism (mula kay Mao Zedong). Maging si Risa
Hontiveros at ang kaniyang dating mentor
na si Randy David ay pro-China at nakakiling sa Maoist Ideology, at anti-US imperialism
noon, pero mukhang nag-iba ang simoy ng hangin. Dahil sa ngayon tila nagagamit
si Hontiveros ng mga pasistang oligarko.
2. HINDI NAGNAKAW SI MARCOS, KUNDI NAG-ABONO PA. Saan niya kinuha ang kayamanan? Kasi kung susumahin mo, saan kukuha si Marcos ng kayamanang tinatayang nasa 1.2 trillion dollars (1987 estimate, batay sa lathalaing Executive Inteligence Review), na kahit pagsamasamahin mo lahat ng laman ng Philippine Treasury mula kay Aguinaldo hanggang ngayon ay walang ganoong kalaking halaga? Isang newspaper columnist at kritiko ni Marcos, si Hilarion "Larry" Henares, ang nakapuna rin nito. Ang average annual government budget (dollar exchange rate and inflation taken into consideration) noong panahon ni Pangulong Marcos ay nasa humigit-kumulang 120-million pesos. Ang estimated cost ng lahat ng kaniyang infrastructure projects ay humigit-kumulang 870-billion pesos. Hindi magsisinungaling ang matematika (Maraming halimbawang proyekto ni Marcos akong maibibigay kung saan nag-abono siya ng pangpondo at ilan dito ay nai-blog ko na). Meron ba ritong makapagpapaliwanag kung saan kinuha ni Marcos ang pinang-abono niya? Sa mga nagsasabing ninakaw niya ay sagutin ninyo kung saan niya nanakawin kung wala namang ganoong halagang mananakaw. Narinig niyo na siguro ang Yamashita Treasure (hindi po Tallano Gold ah, kagaguhan lamang ng isang LP senator yun. Pero sa ibang pagkakataon na ito)?
2.
SINO ANG TUNAY NA MAGNANAKAW? Ang mga paintings
at jewelries na naiwan sa Malacañang
matapos ang 1986 EDSA Revolt, sino ang kumuha at nag-angkin? Ang mga ito ay
bigay kay Imelda Marcos ng mga artists at royalties. Pag-aari dapat ng mga
Marcos yun, pero hindi nila inilagay sa bahay nila kundi sa Malacañang, sa
National Museum at Central Bank. Matapos ang 1986 EDSA Revolt, nawala ang ilan
sa mga ito. Ngunit ang mga lihim na kasamaan ay hindi maitatago habangbuhay.
Ilan sa mga alahas at paintings ay
nakita sa mga Cojuangcos at Aquinos. Halimbawa, nang mamatay si Cory, sinabi ni
Kris na wala siyang hihinging mana kundi ang self-portrait ni Amorsolo at ang obra ni Ang Kiokuk. Ang mga ito ay kabilang sa mga nawawalang paintings sa Malacañang. Isang
reporter-photographer ang nagsiwalat ng isang larawan ni Kris Aquino kung saan
suot niya ang isang kuwintas na pag-aari ni Imelda. Ang tanging sagot ni Kris
ay “fake copy” lang daw yun. Sa masusing pagtingin makikitang ito nga ang
alahas ng dating Unang Ginang. ANG KASAYSAYAN AY MAY KAKAYAHANG MAGSIWALAT NG
KATOTOHANANG SA TAKDANG PANAHON AT ANG KARMA AY MARUNONG MAGBIGAY NG
KATARUNGAN!
3.
Naging freelance writer din ako mula noong ako’y nag-aaral pa lamang. Panahon
ni Marcos, hindi ako kailanman na-censured;
na-published ng buo ang mga
artikulong sinulat ko. Katunayan nanalo pa ako sa essay-writing contest na sponsored
ng Malacañang kahit pa may banat ako laban kay Marcos doon sa sinulat ko.
Panahon ni Cory, sinabihan ang mga editors
ko na huwag ilabas ang mga sinulat ko tungkol sa environment, flood control at
US bases. Sa panahon ni Cory, WALANG PRESS FREEDOM kung hindi ka nila
kapanalig.
4.
PINASLANG NG PANAHON NI CORY AQUINO. Ang kaibigan kong si Lean Alejandro,
founder ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Pinatay siya ng mga hitmen ng Yellow Army noong September
19, 1987, matapos siyang mag-anunsyo ng pambansang kilos-protesta laban sa
pamahalaan ni Cory Aquino. Kung tutuusin malaki ang naitulong niya sa EDSA,
pero nadismaya siya nang hindi tumupad sa mga ipinangakong pagbabago ang
rehimeng Cory. Bago pa siya, si Rolando Olalia, lider ng Kilusang Mayo Uno
(KMU) ay pinatay rin wala pang siyam na buwan pagkaupo ni Cory. Huwag din
nating kalimutan ang madugong pagpaslang sa mga magsasaka sa Mendiola Massacre
at Hacienda Luisita Massacre! Malayong-malayo sa kalingkingan ni Lean ang mga
sumunod na namuno sa BAYAN o sa iba pa mang grupong kabataang nag-aastang
aktibista.
5.
ANG TUNAY NA TUTA NG MGA KANO. Si Pangulong Marcos, pinahanga niya ang mga Kano
sa kaniyang talino at pamumuno, kaya tinangka nilang hawakan siya sa leeg at
kontrolin. Nang simulan niyang kumawala sa kadena ng mga Kano, lalo na nang
baguhin niya ang Saligang-Batas at lagyan ng hangganan ang pananatili ng US
Military Bases, pinagplanuhan na siyang pabagsakin ng makapangyarihang US Liberal
Democratic bloc. Ito ang nuno ng mga imperyalista na lumilikha ng digmaan sa
daigdig, nag-aalis at pumapatay ng mga pinuno ng bansang tumatangging sumunod
sa kagustuhan nila. Ang tangkang pagkarit ni Marcos sa kuko ng Agilang Panot ay
lihim na nagpagalit sa kanila. Ito ay humantong sa panggigipit sa pamahalaang
Marcos ng US government, tuloy-tuloy na paninira ng western press, sinadyang
pagpatay kay Ninoy Aquino (Agosto 21, 1983, parehong araw at eksaktong 12 taon
matapos ang pagbomba sa Plaza Miranda), at nagtapos sa 1986 EDSA Revolt.
Si
Cory Aquino, iniluklok ng mga Kano kapalit ng pagpatay sa kaniyang asawa; at
naging sunud-sunuran sa mga Kano lalo na sa kaniyang mga among Democrats.
Pakatandaan natin na pinilit ni Cory na panatilihin ang mga base-militar ng mga
Kano, kundi lang sumabog ang Bulkang Pinatubo. Dito nga nagkalabuan sila ni
Sen. Salonga. Ang tumulong sa kaniyang mailuklok sa puwesto na si General Fidel
V. Ramos, ang itinuturing na “American Bulldog” ng mga aktibista ng Unang Bahagdang
Unos ay inilagay niya bilang Kalihim ng Tanggulang Bansa upang sawatain ang mga
sasalungat sa dilawang pamahalaan. Ganoon din ang kaniyang anak na si Noynoy
Aquino, na sa wika ng isang kasapi ng Anonymous Philippines ay “tutang laging
nakaamoy sa puwet ni Obama,” na sa dami ng mga kapalpakan, kurapsyon, at
iskandalong ginawa sa puwesto ay itinuturing na pinakamasamang naging pangulo
ng Pilipinas.
Tungkol
naman sa 20 pisong bigas: Wala namang sinabi si Pangulong Ferdinand “Bongbong”
Marcos Jr na gagawin niyang 20 piso ang halaga ng isang kilong bigas sa isang
iglap pagkaupo niyang pangulo. Ang sabi niya ay pangarap niyang mangyari yun.
Ito ay nabanggit niya noong Mayo 2022: “.... I will work to bring down the
price, so that we can achieve our dream – the P20 to P30 na bigas.”
(Magtatrabaho ako upang mapababa natin ang presyo, para maisakatuparan ang
ating pangarap – ang P20 hanggang P30 na bigas.) Kayong mga dilawan at
malabulaw, huwag kayong magtagpi-tagpi ng mga salita upang sirain ang isang
adhikain.
Ito
ay ilan lamang sa mga kongkretong ebidensya (mahirap tibagin), hindi haka-haka,
hindi paninira, hindi yellow journalism,
hindi black propaganda!