Wednesday, October 18, 2017

Huling Ngiti: Ang Pamamaalam ng Aking Ina



Nieves C. Laoagan
(July 28, 1933 – October 12, 2017)
Beloved Mother



HULING NGITI

Ang Pamamaalam ng Aking Ina


 
Nang si Papa ay pumanaw sa daigdig,
Ako’y musmos pa noo’t mura pa’ng isip.
Si Mama, pigil man ang kanyang pagtangis,
Ramdam ko’ng binabata niyang hinagpis!
 
Mahigit limampung taon ang nagdaan;
Ngayo’y si Mama naman ang namaalam.
Pilit mang pigilin ang nararamdaman;
Litaw ang luha’t labis kong kalungkutan!
 
Kalungkuta’y nanuot sa aking diwa;
Ang dating buo ngayon ay parang giba.
Diwa’y tila nauupos na kandila;
Ano pa’ng dahil, liwanag nitong dala?
 
Hindi maiwaksi sa aking isipan,
Oktubre 12, 2017 – ang sanhi ng kalungkutan:
Hatinggabi, sa papag ng pagamutan,
Nang si Mama sa akin ay namaalam.
 
Ako’y bumubulong sa kaniyang siping:
Mama ko, huwag ka munang mahihimbing.
Hindi pa panahon, marami pang piging;
Diwa mo’y magbalik, ikaw ay gumising!
 
Pisngi at noo ng aking Inang mahal,
Habang hinahaplos, ako’y nagdarasal.
Hirap man sa paghinga at nangangatal,
Labi niya’y gumalaw, pili’t umusal.
 
Nang wala siyang masambit na kataga,
Sa aki’y lumingon, dumilat mga mata.
Saglit na ngumiti, ako ay natuwa,
Iyon pala’y kanyang huling pagbabadya! 

Mama ko! Mama ko! Ako’y nagpasigaw.
Mga luha ko’y nag-uunahan sa pag-apaw.
Tumigil ang paghinga at ang paggalaw;
Wala na si Mama sa mundong ibabaw!
 
Isang hiyaw – sa DIYOS nagmamakaawa;
Iginigiit, katuwiran kong aba:
Ang daming masama, bakit hindi sila?
Ang Ina kong ubod bait, bakit siya?
 
Patawad, PANGINOON, ako’y pangahas;
Batid mong higit, guhit ng aming palad.
Ikaw ang nagtatakda ng bawat landas;
Ako’y isang mangmang sa dunong mo’t lakas.
 
Marami ng dinanas na dusa’t sakit,
Aking Ina – kaya di ko maigiit
Dagdag na hininga, baka ang kapalit
Sa kanya’y higit na hirap at pasakit.
 
Payo ng mga kaibiga’t kamag-anak,
Ako’y magpakatibay, magpakatatag.
Ngunit pa’nong gagawin umano’y dapat
Kung sa Ina ko hugot ang aking lakas?
 
Marami ng naganap sa aking buhay;
Mga nakamit na karangala’t tagumpay,
Kasama-sama kita’t laging kaakbay
Sa basbas ng MAYKAPAL na ating gabay.
 
Kung ako’y lukob ng kawalang pag-asa,
Iyong sinasabi sa tuwi-tuwina:
Pasensiya na, at huwag mabahala,
Darating din ang sandali ng ginhawa.
 
Huling ngiti mo’y sa isip nagwiwika;
Bagbag na puso ko ay pinapayapa;
Kabagabagan ay pilit sinasala
Upang ang galit sa akin ay mawala.
 
Sa mga pagkakasala ko’t pagkukulang,
Patawad, Mama ko, sa kabagabagan.
Nawa’y kamtin ligaya’t kapayapaan,
Sa piling ng DIYOS, sa ati’y lumalang.
 
Kay hirap tanggapin ng iyong paalam,
Datapuwa’t ako’y hindi isang paham.
Di ko mapangyayari ang inaasam,
Tunay na MAYLIKHA lamang ang may-alam!
 
Sa’yong pamamaalam, Mama ko, patawad
Sa mga pangakong hindi ko pa natupad.
Sa mga kapalaluan kong walang katulad,
Iyong pagpapatawad nawa’y igawad!
 
Sa lahat ng hirap na ‘yong naranasan,
Mula sa sandali ng aking pagsilang
Hanggang sa sandali ng iyong paglisan,
Patawad sa mga nagawang kasalanan!
 
Dumating na ang sandali ng paglipat
Sa Tahanan ng DIYOS – Dakilang Pantas.
Ipamanhikan mo akong iyong anak,
Patuloy na gabayan at bigyang lakas.
 
Mga dalangin ko’y dinggin nawa ng DIYOS;
Sa piling Niya kamtin ligayang lubos.
At habang mundo’y patuloy sa pagkilos.....
Mama ko, tulang ito’y hindi pa tapos!

(Isinulat, Oktubre 16-17, 2017)

No comments:

Post a Comment