Sunday, December 1, 2019

MGA TULA NG 2019



MGA TULANG AKING ISINULAT SA TAONG 2019


MGA PAGNINILAY

Sa pag-iisa, naglalakbay ang aking diwa,
Laksang pangitain sa aki’y humaharana.
Bawat hangarin ay may laang buti at sama.....
Ano nga kaya ang sa aki’y itinadhana?

Kay raming pangarap ang naglalaro sa isip,
Mayroong payak at mayroong hindi malirip.
Ang kinabukasan ay pilit na sinisilip.....
O saan kaya iiwas at saan lalakip?

Sa mga pagninilay, nakikita ang sarili,
Dakila ang bikas tulad sa isang bayani.
Ang katotohanan ay iiwan panandali.....
May paraan kaya upang ito’y mamalagi?

Umaawit ng talinhaga ang aking puso,
Makabagbag-damdamin at nag-aalimpuyo.
Nababanaag ang larawan ng sinusuyo.....
Sa ligaya kaya hahantong o pagkabigo?

Namamalas din ang pakikipagsapalaran,
Pagtaya sa lotto’t pagsali sa paligsahan.
Gagawin ang lahat upang hangari’y makamtan.....
Katuparan ng minimithi o kahibangan?

Bawat nilalang, may isinasamong pangarap,
Ibubuhos ang dugo’t pawis sa pagsisikap.
Kapalara’t pagkakataon ay nag-uusap.....
Bakit kaya mayroong mayaman at mahirap?

Kadakilaan, kayamanan, kaligayahan,
Bawat nilalang ay inaabot ang luklukan.
Ang tao gaano man kadakila, kayaman.....
Sino’ng may kakayahang umiwas sa libingan?

Sa huli, ang unawa ay dumating sa akin,
Ang karunungan ay nag-iiwan ng habilin.
Mangarap, gumawa, at lunggati ay abutin...
Sa lahat, huwag kalimutan ang manalangin!

(Mayo 5, 2019)
 

PAG-IBIG, LIKHA NG DIYOS

Sa mga nilalang ng buong sansinukob,
Anong mayroon na ipinagkaloob,
Na walang katulad; walang hangganan?
Pag-ibig na walang pag-aalinlangan!

Ang pag-ibig na hindi nagmamapuri
At hindi kailanma’y nananaghili;
Ang pag-ibig na lahat ay tinitiis
At hindi pansin kahit anomang dungis.

Puso’t kaluluwang nagpapahalaga;
Taos na paglingap sa kanyang kapuwa,
Mula sa aral ng Kasulatang Banal.
Pag-ibig, likha ng DIYOS na Maykapal.

(Setyembre 1, 2016. Muling isinaayos, Abril 21, 2019)

 
ANG TAO AT ANG KALIKASAN

Hindi kailanman malilimutan
Nang si Ondoy ay dumalaw
At nag-iwan ng dilubyo at hinagpis;
Nang si Yolanda ay nagalit
At nagdala ng buhawi at daluyong.
Ito’y mga babala sa sangkatauhan
Na ang Inang Kalikasan
Ay nagpupuyos na sa galit
At handa ng ibuhos
Ang alak ng kagalitan ng langit!

Tao, sa palad mo’y ipinagkaloob
Ang sandaigdigang tahanan mo’t moog.
Sa palad mo rin daigdig nayukayok;
Kalikasang sa lusak mo ay nalublob!

Ang hanging dati’y sariwa at mayumi,
Sa gawa ng taong walang pasubali,
Masdan ngayon at iba ng mauuri:
Lason sa langhap, sa kalusuga’y dumi!

Gubat at kabundukang dati’y luntian,
Masdan ngayon, lagim ang kinahinatnan:
Unos, baha, pagtangis ng Kalikasan,
Sa tao ay ganting-kadalamhatian!

Ang tao ba’y magpapahinuhod,
Magsisisi, at iwawaksi
Ang kaniyang kaululan?
May kinabukasan pa kaya
Sa mga kaawa-awang supling
Ng modernong henerasyon?
Ano kaya ang naghihintay
Sa malapit na hinaharap:
Pamamaalam o pagpapatuloy?
O tao, ingatan mo
Ang mga susunod mong hakbang,
Sapagkat maiksi na
Ang nalalabi mong panahon!

(Unang isinulat noong Agosto 11, 1977. Ginawan ng pagbabago, Mayo 12, 2019)

 

HULING NGITI: Ang Pamamaalam ng Aking Ina

Nang si itay ay pumanaw sa daigdig,
Musmos pa ako at mura pa ang isip.
Si inay, pigil man ang kanyang pagtangis,
Ramdam ko’ng binabata niyang hinagpis!

Ang mga hakbang ng panahon ay nagdaan;
Ngayo’y si inay naman ang namaalam.
Pilit mang pigilin ang nararamdaman;
Litaw ang luha’t labis kong kalungkutan!

Kalungkuta’y nanuot sa aking diwa;
Ang dating buo ngayon ay parang giba.
Diwa’y tila nauupos na kandila;
Ano pa’ng dahil, liwanag nitong dala?

Hindi maiwaksi sa aking isipan,
Oktubre 12, 2017 – sanhi ng kalungkutan:
Hatinggabi, sa papag ng pagamutan,
Nang si inay sa akin ay namaalam.

Ako’y bumubulong sa kaniyang siping:
Nanang ko, huwag ka munang mahihimbing.
Hindi pa panahon, marami pang piging;
Diwa mo’y magbalik, ikaw ay gumising!

Pisngi at noo ng aking Inang mahal,
Habang hinahaplos, ako’y nagdarasal.
Hirap man sa paghinga at nangangatal,
Labi niya’y gumalaw, pili’t umusal.

Nang wala siyang masambit na kataga,
Sa aki’y lumingon, dumilat mga mata.
Saglit na ngumiti, ako ay natuwa,
Iyon pala’y kanyang huling pagbabadya!

Nanang ko! Nanang ko! Ako’y napasigaw.
Mga luha ko’y nag-uunahan sa pag-apaw.
Tumigil ang paghinga at ang paggalaw;
Wala na si inay sa mundong ibabaw!

Isang hiyaw – sa DIYOS nagmamakaawa;
Iginigiit, katuwiran kong aba:
Ang daming masama, bakit hindi sila?
Ang Ina kong ubod bait, bakit siya?

Patawad, PANGINOON, ako’y pangahas;
Batid mong higit, guhit ng aming palad.
Ikaw ang nagtatakda ng bawat landas;
Ako’y isang mangmang sa dunong mo’t lakas.

Marami ng dinanas na dusa’t sakit,
Aking Ina – kaya di ko maigiit
Dagdag na hininga, baka ang kapalit
Sa kanya’y higit na hirap at pasakit.

Payo ng mga kaibiga’t kamag-anak,
Ako’y magpakatibay, magpakatatag.
Ngunit pa’nong gagawin umano’y dapat
Kung sa Ina ko hugot ang aking lakas?

Marami ng naganap sa aking buhay;
Mga nakamit na karangala’t tagumpay,
Kasama-sama kita’t laging kaakbay
Sa basbas ng MAYKAPAL na ating gabay.

Kung ako’y lukob ng kawalang pag-asa,
Iyong sinasabi sa tuwi-tuwina:
Pasensiya na, at huwag mabahala,
Darating din ang sandali ng ginhawa.

Huling ngiti mo’y sa isip nagwiwika;
Bagbag na puso ko ay pinapayapa;
Kabagabagan ay pilit sinasala
Upang ang galit sa akin ay mawala.

Sa mga pagkakasala ko’t pagkukulang,
Patawad, Nanang ko, sa kabagabagan.
Nawa’y kamtin ligaya’t kapayapaan,
Sa piling ng DIYOS, sa ati’y lumalang.

Kay hirap tanggapin ng iyong paalam,
Datapuwa’t ako’y hindi isang paham.
Di ko mapangyayari ang inaasam,
Tunay na MAYLIKHA lamang ang may-alam!

Sa’yong pamamaalam, Nanang ko, patawad
Sa mga pangakong hindi ko pa natupad.
Sa mga kapalaluan kong walang katulad,
Iyong pagpapatawad nawa’y igawad!

Sa lahat ng hirap na ’yong naranasan,
Mula sa sandali ng aking pagsilang
Hanggang sa sandali ng iyong paglisan,
Patawad sa mga nagawang kasalanan!

Dumating na ang sandali ng paglipat
Sa Tahanan ng DIYOS – Mabunying Pantas.
Ipamanhikan mo akong iyong anak,
Patuloy na gabayan at bigyang lakas.

Dalangin ko sa Panginoong Dakila,
Lubos mong kapayapaan at ligaya.
Hanggang sa susunod nating pagkikita,
Sa puso ko’y taglay kita, aking ina.

(Isinulat limang araw pagkatapos mamayapa ang aking ina, Oktubre 16-17, 2017. Ginawan ng kaunting pagbabago, Mayo 1, 2019.)

 

LUHOG SA PAGLAYA NG MGA LINTA

Tumayo ang rebulto,
Umawit ang mga multo.
Lumuha ang langit,
Sa awit ng pasakit.
Nalinlang ang bayan,
Sa akala’y kabutihan.
Nanilaw ang dapit-hapon,
Binasag ang garapon.
Lumaya ang mga linta,
Hayok na maninila.
Hindi na gumagapang,
Paigkas kung sumagpang.

Inaasam na pag-asa,
Naging pagdurusa.
Puhunang dugo’t pawis,
Nasimot sa hinagpis.
Nagpanggap na makatao,
Siya pala’ng tunay na lilo.
Mga gahama’y naglalaway,
Sa kanilang tagumpay.
Malaya ang mga linta,
Sumisingasing sa tuwa.
Hindi nagpapakundangan,
Sinalanta ang bayan.

Kailangan ng apoy,
Ilakas ang panaghoy.
Ano ba ang isasagot,
Sa pulitikong salot?
Hahasain ba ang karit,
Upang iharap sa lupit?
O susubukin ang panulat,
Upang iluklok ang tapat?
Kilala na ang mga linta,
Huwag ng padadaya.
Wasakin ang bitag,
Pangarap ay itatag.

(Pebrero 21, 2019)

 
HUWAD NA PAGDIRIWANG

Habang ang pag-unlad ng ating bansa ay nababansot
          dahil sa kasakiman ng mga baboy at buwaya sa pamahalaan;
Habang ang mga mamamayan ay walang humpay na sinisikil
          sa kanilang pamumuhay at karapatan;
Habang ang ating bayan ay patuloy na pinanghihimasukan
          ng mga dayuhang kapangyarihan;
Habang ang ating kaisipan ay hindi namamaalam
          sa mga makasariling hangarin at kabuktutan;
Habang ang ating pananaw ay hindi pinapatnubayan
          ng isang ideyolohiyang may panuntunan;
Habang ang ating kapuluan ay walang pagkakaisa
          para sa kapakanang pangkalahatan,
Tunay na nananatiling isang huwad na pagdiriwang lamang
          ang tinatawag nating Araw ng Kalayaan.

(Unang isinulat, Hunyo 12, 2018. Ginawan ng pagbabago at karagdagang taludtod, Mayo 11, 2019)

 

PAG-ASA

May mga bata sa kalsada,
Nagtitinda ng sigarilyo;
Namumulot ng basura;
Namamalimos ng konting pera.
At kung wala ng sa kanila’y maawa,
Katawan nilang musmos pa.....
Itinitinda.....
Upang magkalaman
Ang munti nilang tiyan.
Hinagpis ng kamusmusan,
Nasaan ang katarungan....?

Bata, bata, ano’ng iyong ginagawa?
Nasaan ang iyong ama?
Nasaan ang iyong ina?
Bakit ka lumalaboy? Bakit ka nagdurusa?
Ikaw na kung tawagin ay pag-asa.....

May mga bata sa kalsada,
Naglalako ng sampaguita;
Naglilinis ng sapatos;
Namamalimos ng konting pera.
At kung wala ng sa kanila’y maawa,
Lalanghap na lamang
Sa nakalililong supot.
Upang makalimot
Sa nadaramang gutom.
Basal na paghihirap
Mayroon bang lilingap....?

Bata, bata, tinatawag silang pag-asa.
Patak ng ulan,
Tanging biyaya
Sa kanilang uhaw;
Tanging saplot
Sa kanilang katawan
Ay init ng araw.

Bata, bata, tinatawag silang pag-asa.
Masdan mo sila at magnilay ka.
Pag-asa kaya silang matatawag
Kung mundo nila’y walang liwanag?!

(Unang isinulat bilang awit, Mayo 19, 2017. Ginawan ng pagbabago at iniangkop bilang isang tula, Mayo 19, 2019)

 

KUNG MAKAPANGANGARAP ANG ISANG MUSMOS

Sa ibabaw ng isang patag na gulod
Ay nakamasid ang isang batang musmos.
Sa kanyang guni-guni ay yumayapos
Kapaligirang puno ng pagdarahop.

Sa musmos niyang mukha’y mababanaag
Mga katanungang hindi maipahayag.
Kanyang kawalang-muwang ay nangungusap,
Tinatanong ang langit: “Ano ang bukas?”

Siya’y nakatingin sa kawalang-hanggan,
Pilit naghahagilap ng kasagutan:
May halaga ba’ng aking kapanganakan
Kung ako’y tigib ng pag-aalinlangan?

 
“Malawak ang mundo’t ako’y nag-iisa,
Saan dadalhin ng mumunting mga paa?
Sa isang paraiso kayang masaya,
Maraming laruan, sorbetes at bola?”

“Doon kaya’y marami akong kalaro
At di na dadanasin lupit ng palo?
Doon kaya’y di na magugutom ako,
At di na hihingi ng limos sa tao?”

“Doo’y may mag-ukol kayang pagmamahal
Na kay tagal ko ng ipinagdarasal?
Maranasan kaya ang ako’y ipasyal
Sa isang magara’t masayang karnabal?”

“Makapag-aral kaya sa paaralan
At ako’y di maging palaboy sa daan?
May uuwian kaya akong tahanan
At di abutin ng gabi sa lansangan?”

Patuloy ang musmos sa paglakbay-isip;
Sa lumbay at pagod, ang bata’y naidlip.
Kapagdaka ay nagbago ang paligid;
Naging luntia’t nawala ang ligalig.

Sa tabi niya’y bumaba’ang isang ada:
“Munting bata, imulat iyong mga mata.
Bangon, halika, sa akin ay sumama,
Ang kinabukasan ay ipakikita.”

Sila’y lumipad sa pusod ng pangarap ;
Umilanglang sa ibabaw ng mga ulap.
Kalaro niya’y mga ibong di-maiilap,
Magaganda’t maaamong alitaptap.

Sa mga diwata’y nakikipagtaguan,
Sa mga duwende’y nakikipaghabulan.
Walang kapantay ang kaniyang kasiyahan,
Manapa’y ngayon lang niya naranasan.

Sa ulo niya’y may palad na dumampi,
Puno ng pagmamahal at nagwawari.
Siya’y inakay sa dulo’ng bahaghari,
Sa kaharian na walang naaapi.

“Halika munting bata at iyong masdan,
Larawan ng bukas, takdang kapalaran.
Magmula ngayo’t hanggang kailan pa man,
Pagkaulila’y di na mararanasan.”

“Magmula ngayo’t hanggang sa Pagbabalik,
At hanggang sa paghuhukom ng daigdig,
Ikaw ay may puwang na sa Aking dibdib;
Aking pagpapala’y iyong makakamit.”

“Munti kong anghel, ika’y muling mahimbing,
At ako’y lalagi na sa iyong piling.
Ang pangarap mong ligaya at sagimsim
Ay katotohanang iyong tatamuhin.”

Nang muling imulat niya ang mga mata;
May bahid ng luha sa galak at tuwa,
Nagbubukang-liwayway na ang umaga
– ang bagong umagang puno ng pag-asa.

Siya’y tumindig at masiglang tinanaw
Ang mga mumunting sutlang sinag ng araw.
Init nito’y sa hamog nangingibabaw,
Tandang sa kanya’y mayroong tumatanglaw.

Sa ulo niya’y may palad na dumampi,
Puno ng pagmamahal at nagwawari.
Siya’y inakay sa tahanang sarili,
Ngayo’t kailama’y di na maaapi.

(Isinulat noong 1978-1979. Ginawan ng pagbabago at pagsasaayos, Abril 27-28, 2019)

 

KUNG TOTOO SANA SI DARNA

Sino ba ang hindi nakakakilala
kay Darna?
Igorot, Ita, Mangyan, Badyao,
o modernong Filipino;
Sa lungsod man o kabundukan;
mamamayang mahirap o mayaman,
batid kung sino siya
sa madlang isipan.
Binibining Suprema,
tagapagtanggol ng naaapi;
Kamangha-manghang dilag,
hinahangaan ng marami.
Siya nga! Siya si Darna!

Sa  tuwing makikita ko
ang mga dibuho sa lumang komiks;
Sa tuwing maririnig na
may pelikulang Darna
na sa pinilakang tabing sasapit,
Hindi ko maiwasan
na magmuni ang isip.

Ano kaya kung si Darna
ay tunay na nabubuhay?
Sa sariling tanong;
sa labi’y lilitaw ang ngiti,
Umaamot ng pag-asa
sa siphayo ng paligid,
kahit sa isang kathang-isip.

Ano nga kaya
kung totoo si Darna?
Ah marahil kung totoo
ang katha ni Marcial Ravelo....
Ang mga primadonang politikong
may mga ahas sa ulo,
sa bangin ng pagkabulok
hahantong ang pagkapalalo.....
Ang mga hari ng pork barrel
na tuod sa hinaing ng tao,
tunay na sa bilangguan
silang lahat patutungo.....
Ang mga maysala sa pagkamatay
ng mga musmos sa Dengvaxia,
tunay na maparurusahan
sa kanilang pagtalusira.....

Kung totoo sana
si Darna?
Hindi marahil mangyayari
ang mga masaker:
Mendiola, Lupao, Hacienda Luisita,
Mamasapano at Marawi.....
Wala na marahil OFW
na masasawi, malalapastangan,
sa kalupitan ng among dayuhan.....
Mawawala na rin
ang mga drug lord, weteng lord,
smuggling lord, at iba pang
mga hinayupak na buwitre
at pating sa lipunan.....

Kay payapa sana
ng buong kapuluan.....
Kay saya sana
ng kapaligiran.....
Kay ganda sana.....

Kung totoo sana si Darna!

(Hulyo 5, 2018. Ginawan ng pagbabago, Mayo 12, 2019)

 

TAPANG O YABANG?

Sipa, suntok at tadyak....
Magaling ka ngang higit!
Magaan ang manapak
Sa talunang kaalit!

Sa mga walang kalaban-laban,
Ikaw ay bida, taas-noo!
Subali’t dapat bang hangaan
Ang mga sukab na katulad mo?

Anak mayaman at laki sa layaw,
Maimpluwensya si mama at papa.
Ito ba ang iyong gabay-pananaw,
Imbi’t walang pakikipagkapuwa?

Ang bawat kabataan ay gabayan
Upang di maging palalo pagbulas.
Ano na lang sasapitin ng bayan
Kung ang mamamayagpag ay mga ungas?

Ang kawayan habang malambot,
Ang baluktot pilit ituwid.
Ang batang may asal-balakyot,
Sa pangaral huwag ilingid.

Tapang ay ginagamit
Kung sadyang kailangan.
Hindi upang manakit,
O kaya’y kahambugan!

(Marso 7, 2019)

 

HINAHON

Isayaw mo sa guniguni
ang hinagpis.
Huwag hayaang mamuo,
dugo ng galit.
Ang kahihinatnan
ng lantarang bagsik,
Pagsisisi, pagdurusang
puno ng pananangis.

Awitin mo sa panalangin
ang pagngingitngit.
Huwag hayaang umakyat sa ulo,
Bugso ng dibdib.
Ang pagpipigil
ng ganti sa kaalit,
Gaan ng loob, tagumpay
laban sa ligalig.

(Marso 19, 2019)

 

LUMULUHA BA ANG BUWAYA?

Sa lahat ng mga nilikha,
Lubhang mabangis ang buwaya.
Datapuwa’t ito’y gumagalang
Sa Batas ng Kalikasan.
Ito yaong tunay at totoo,
Kinatatakutan ng mga tao.
Sila na gaano man kabangis,
Umuurong din kapag nagahis.
Bagsik ay naglilikat
Sa talim ng sibat.

Mayroon namang binabansagan,
Buwaya sa katihan.
Nagsasalita’t nakatatayo,
Palalo’t walang sinisino.
Lahat ay kinakamkam!
Lahat ay sinasagpang!
Ito yaong tinawag na katulad.
Mukha’y makapal na katad.
Sadyang naiiba ang uri,
Hayok sa kapangyariha’t salapi.
Walang luha sa mga mata!
Walang budhi’t kaluluwa!

Lahat ng mga nilikha’t nilalang
Dito sa sandaigdigan,
May taglay na damdamin
Gaano man katalas mga ngipin;
May mga matang nakamamalas,
Binubukalan ng luhang wagas.
Ang tunay na buwaya sa tubig,
Nananangis din kapag nalupig.
Ang kaniyang katulad sa kati,
Sa kasakiman ay hirati;
Sa kaniyang larawang manhid,
May pupukaw kayang ligalig....?
Marahil may luhang sa mata’y tatagas
Kung takda na ang kaniyang wakas!

(Marso 21, 2019)

 

HIYA

Nagkalat ang paimbabaw
sa mundong ibabaw.
Kunwa’y balat-sibuyas,
iyon pala’y katad-kalabaw.
Laganap ang tukso
sa diwa’y nanunuyo.
Gaano man ang pagpigil,
iinit rin ang dugo.

Marami ang nagpapanggap
na marangal sa hinagap.
Nasa tagong sulok
ang kalaswaang ganap.
Nagkalat na sa mundo
ang lihim na bisyo.
Ang kiliti ng laman,
yuyurak sa pagkatao.

Ito ang makabagong daigdig
ng computer at Internet.
Walang nananatiling lihim,
lahat ay nasisilip.
Ang balakyot at lilo
ay hindi makapagtatago.
Malalantad ang utog,
Karangala’y guguho.

Ang tinatawag na puri
ay niwalan ng pagtangi.
Dahil sa udyok ng libog,
nawala rin ang pangingimi.
Pumanaw ang hiya,
at kumapal ang mukha.
Itinapon ang karangalan,
wala, wala ng hiya....
Walanghiya!

(Marso 28, 2019)

 

PAYO LABAN SA SIPHAYO

Sa salamin nakita ko
ang isang kaluluwa,
Puno ng lungkot
na tila maraming pagkakataon
ng nalunod sa siphayo.

Tulad sa sugat ng puso
na naghahanap ng lunas,
Bayaang lumipas ang hapdi
na nanunuot sa ubod
ng isipang tuliro.

Gaano man kalalim
ang itinarak na panaghoy,
Sa daluyong ng luha
uusbong ay bagong liyag
na maglilibing sa panimdim.

Huwag mamuhi
sa daloy ng kapalaran,
Sapagka’t ang haplos
ng taos na panalangin
ay papawi sa kirot ng pighati.

Sa kaluluwang nilumbay
ng pagkabigo,
Darating ang irog
na siyang itinakdang
kabiyak ng buhay.

Habang namamasdan
na ang langit ay langit,
Mananatili ang pag-ibig
na bubukal sa puso
ng bawat nilalang.

Magpaalam sa nakalipas
na karanasan,
At tumitig sa hinaharap
kung saan matatagpuan
ang pagsintang wagas.

(Abril 11, 2019)

 

PANTASYA: ISANG PAGTIKIM SA EROTIKANG SINING
(Pagliliwat at Tugon sa Tula ni Edna St. Vincent Millay
na I, Being Born a Woman, and Distressed.)

PAGLILIWAT

Ako, ipinanganak na isang babae, naghahanap
Ng lahat ng pangangailangan ng aking katulad,
Nahahaling sa pagiging malapit sa aking diwa
Ng iyong katauhan, at nakararamdam ng pagnanasa
Upang damhim ang iyong katawan sa aking dibdib:
Napakabanayad ng halimuyak ng buhay,
Naghahayag ng tibok at pumupukaw sa isip,
At iiwan akong laging nananabik, tila may sapi.
Huwag mong isipin ito, itong hamak na paglililo
Ng silakbo ng aking dugo laban sa isipang nayayanig,
Maaalala kitang kalakip ng pag-irog, o kaya’y pupukawin
Ang libog kong umaamot ng habag – dapat mong malimi:
Sa pakiwari ko’y hindi ito sapat na dahilan
Ng pag-uusap lamang kung tayo’y magkitang muli.

TUGON

Lalaki ako, may pusong singtibay ng bakal,
Taglay sa isip at katauhan ang mabuting aral,
Subali’t ang katawan ko’y lamang marupok
Na sa halina ng iyong kagandahang umuudyok
Ay dagliang naigugupo ng tagong pagnanasa:
Napakabanayad ng halimuyak ng buhay,
Naghahayag ng tibok at pumupukaw sa diwa,
At dinadala akong lumulutang sa ligaya, nananambitan.
Huwag mong isipin ito, itong hamak na paglililo
Ng silakbo ng aking dugo laban sa diwang nagbabaga,
Maaalala kitang kalakip ng pag-irog, o kaya’y pupukawin
Ang ligawgaw kong iyong nabihag – dapat mong malaman:
Sa pakiwari ko’y mananatili ko itong taglay
Hanggang sa paglalapat na muli ng ating katawan.

(Isinulat noong Mayo 25, 2019)

 

PAHIMAKAS SA PAGHIHINTAY

Nakalatag ang papel;
Nakahanda ang panulat,
Nakalingat sandali,
Nagbago ang isip.

May gawaing takda,
Manapa’y kailangan.
May bukas pa naman,
May susunod na buwan.
Mahalaga ang sikmura,
Maibsan ng biyaya.

Pag-iisip ay nahahati,
Pagpapaliban ng mithi?
Paglahok sa madla,
Pangarap lang muna?

Ang Diyos ang gumuguhit ng tadhana,
Sinong tatanggi sa papuri’t sanghaya?
Bigyang puwang ang mga naiburong katha
Upang ang dupil maging kamangha-mangha.

Lubhang marami na’ng nagdaang mga taon
At mga pinalagpas na pagkakataon.
Ah, tadhana’y matikas na humahamon,
Di na maipagpapaliban ang layon.

Isang hakbang, ang Maykapal ang gagabay,
Dapat ng mamaalam sa paghihintay.
Talim ng pag-iisip, lakas ng sikhay,
Ilahad ang dunong, ang obra’y ialay.

Sa blangkong papel ang panulat ay humalik,
Ang diwa ay sumisinta’t namamanhik.
Bawat taludtod na dugtungan ng titik,
Nagbabaga ang init ng pagtatalik.

Kung tinadhanang makamtan ang lunggati,
Sa Maykapal ay ihandog ang papuri.
Anomang husay mayroon sa sarili,
Pagpapasalamat dapat mamayani.

(Marso 25, 2019)