Saturday, August 1, 2020

“DI NIYO BA NARIRINIG?” - Isang Paghihimay!




“DI NIYO BA NARIRINIG?”
Isang Paghihimay! 

Ang “Di Niyo Ba Naririnig?” ay iniliwat mula sa awit sa 1980 musical na Les Miserables na “Do You Hear the People Sing?” na nagmula naman sa orihinal French version na À la volonté du peuple (The People’s Will). Ang Iniliwat na awit ay sinulat ni Vincent de Jesus, na may karagdagan titik mula kina Rody Vera at Joel Saracho. Inawit ito ng ilang mga artista ng ABS-CBN, sa kanilang pagtatangka na antigin ang damdamin ng mamamayang Filipino. Ngunit ano nga ba ang nilalaman ng awit? Tama ba ang pinatutungkulan nito?
Bilang isang manunulat at nagkaroon din naman ng karanasan sa pagiging aktibista, hinimay ko ang awit na ito ng mga nagtatanggol sa mga pasistang dilawan at sa oligarkong ABS-CBN na “Di Niyo Ba Naririnig?”
Ang orihinal na awit ay ginamit bilang protesta laban sa pang-aapi ng mga naghaharing-uri sa mga mamamayan ng Pransya. Kabaliktaran ito sa nangyayari sa Pilipinas. Ito ay dahil sa ang mga ipinagtatanggol ng mga umaawit dito ay isang oligarkong pamilya na ang pag-aaring media company ay mahabang panahong nanlinlang sa taong-bayan, nagtamasa ng malaking kayamanan sa kanilang pakikipagsabuwatan sa mga trapong pulitiko, nandaya sa pamahalaan at lumabag sa batas. Taliwas sa mga sinasabi ng mga bumabatikos kay Pangulong Rodrigo R. Duterte, hindi ito usapin ng kalayaan sa pamamahayag kundi ng pagsunod sa umiiral na batas, ng pagkamit ng katarungan, at ng paghayag ng katotohanan!
Sa kinakanta nila, ang pinatatamaan nila ay ang kanilang sariling hanay! Himayin natin:
 

“Di niyo ba naririnig?
Tinig ng bayan na galit
Himig ito ng Pilipinong
Di muli palulupig
Dudurugin ang dilim.”

(Maliwanag na sila ang tatamaan nito. Bakit? Dahil ang taong bayan ay panig sa pamahalaan at hindi naghihimagsik laban dito. Sa katunayan, bukas na ang isipan ng taong-bayan at hindi na muling palilinlang sa mga pasistang dilawan at sa mga oligarkong naghahari-hariang uri, mga kampon ng dilim, na ipinagtatanggol ng mga artistang nagpaparinig ng awit. Sa halip, ang sigaw ng awit ay bumabalik sa mga umaawit na naliligaw ang isip!)
 

“Ang araw ay mag-aalab
At mga pusong nagtimpi
Ay magliliyab
Ikaw ba’y makikibaka
At hindi maduduwag
Na gisingin ang mga panatikong bingi’t bulag
Kasinungalingan labanan hanggang mabuwag.”

(Nagliwanag na nga ang isipan ng taong-bayan na matagal ng nagtimpi sa mga kasinungalingang ipinakalat ng pasistang dilawan sa nakalipas na 34 na taon. Kaya naghalal sila ng isang pangulong may lakas ng loob na labanan at buwagin ang mga ito. Nagwagi si Rodrigo R. Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas sa napakalaking kalamangan kahit pa isa itong underdog sa naganap na halalan noong 2016, at kahit pa minaliit at sinikil ng mga media na pag-aari ng dambuhalang oligarko. Ito ay dahil sa suporta ng taong-bayan na nagising na sa katotohanan. Taong-bayan na handang makibaka at hindi maduduwag na ipagsanggalang ang pinunong kanilang pinili. Kayong mga nagtatanggol sa mga pasistang dilawan at oligarko ang siyang tunay na mga “panatikong bingi’t bulag” na dapat magising sa katotohanan upang tuluyan ng mabuwag ang pasismo at oligarkiya sa Pilipinas na lumaganap mula ng maghari ang rehimeng dilawan.)
 

“Di niyo ba naririnig?
Tinig ng bayan na galit
Himig ito ng Pilipinong
Di muli palulupig
Dudurugin ang dilim
Ang araw ay mag-aalab
At mga pusong nagtimpi
Ay magliliyab.”

(Isang pag-uulit. Paulit-ulit ngang nagtatanong ang taong-bayan sa inyong mga nailigaw ang isip at naging tuta ng dilawan: “Di niyo ba naririnig ang tinig ng bayang galit. Himig ito ng mga Filipinong di na muling palulupig sa mga pasistang kampon ng dilim.” Di man lang ba ninyo napupuna na sa inyo’y kakaunti ang sumasang-ayon at sumasanib? Ito ay dahil mulat na nga ang taong-bayan sa katotohanan kung sino ang tunay na kaaway ng sambayanang Filipino!)
 
“Ikaw ba ay dadaing na lang
Kimi’t magmumukmok
Habang nagpapakasasa
Ang mga trapong bulok
Gisingin ang puso
Galitin hanggang pumutok
Di niyo ba naririnig?
Tinig ng bayan na galit
Himig ito ng Pilipinong
Di muli palulupig
Dudurugin ang dilim
Ang araw ay mag-aalab
At mga pusong nagtimpi
Ay magliliyab!
Magliliyab!”

(Muling pag-uulit! Ito ay hamon sa inyong mga umaawit na nagpatuta sa mga dilawan at oligarko na hanggang ngayon ay nabubulagan! “Puro kayo daing at pintas” sa pangulo at sa kaniyang pamahalaan, samantalang “ang mga trapong dilawang pulitiko ay nagpapasasa sa inyong likuran”. Dapat na kayong gumising sa katotohanan dahil “galit na sa inyo ang taong-bayan!” “Huwag maging kimi at sunud-sunuran sa utos ng mga oligarko at trapong pulitikong bulok.” Sa kauna-unahang pagkakataon, ang hatol ng katarungan ay naipatupad sa isang dambuhala at maipluwensyang pamilyang oligarko! “Imulat ang mga mata, dinggin ang tinig ng sangbayanang Filipino na hindi na muling palulupig, durugin ang matagal na panahon ng nagharing kadiliman, upang bagong liwayway ng araw ay mag-alab, at sa puso ng bawat Filipino ay magliyab ang damdamin para sa bayan!”)
 
Malaking pera ang pinakakalat. Mga sikat na artista at maging ang iconic Filipino superheroine na si Darna ay ginagamit nila sa bulaang propaganda na taliwas sa damdamin ng taong-bayan. Ang tunay na Darna ay hindi kailanman pagagamit sa katiwalian, kasamaan at paglabag sa batas.

Tapos na ang panahon ng oligarkiya! Ito ang oligarkiyang kasabuwat ng mga dilawan at pasistang pulitiko na nakipag-alyansa sa mga imperyalistang Amerikano at sa mga kleriko-pasistang namumuno sa simbahang Katoliko upang pabagsakin ang dating pamahalaang Marcos noong EDSA Revolt ng Pebrero 1986, kung saan pagkatapos ay dumanas ang Pilipinas ng malawakang paghihirap at pagkawatak-watak. Ang oligarkiyang matagal na panahon ng nanlinlang, nagsamantala at nagpahirap sa mga mamamayan, at nagkamal ng kayamanan sa kasiraan ng dangal ng bayan. 

Ikaw, ako, tayong lahat ay Filipino. Tayo'y magkaisa sa pagbangon sa mga pagsubok na dumarating sa ating bayan. Huwag ng palilinlang sa mga propaganda ng mga dilawan at pasista, at sa mga fake news na kanilang pinakakalat sa social media.  Taas-noo at sama-sama nating harapin ang Bagong Umaga!


Basahin din ang aking tulang EDSA!

No comments:

Post a Comment