Wednesday, October 14, 2009

Tula Mula sa Nakaraan: PANGARAP NG ISANG BATA



Sa ibabaw ng isang patag na gulod
Ay nakamasid ang isang batang musmos.
Sa kanyang guni-guni ay yumayapos
Kapaligirang puno ng pagdarahop.

Sa maamo n’yang mukha’y mababanaag
Mga katanungang hindi maipahayag.
Ang kanyang kamusmusan ay nangungusap,
Tinatanong ang langit: “Ano ang bukas?”

Siya’y nakatingin sa kawalang-hanggan,
Pilit hinahagilap ang kasagutan:
“Sino akong sa mundo ay isinilang,
Batang munting ngayo’y kinahahabagan?”
 
“Malawak ang mundo’t ako’y nag-iisa,
Saan dadalhin ng mumunting mga paa?
Sa isang paraiso kayang masaya,
Maraming laruan, sorbetes at bola?”
 
“Doon kaya’y marami akong kalaro
At di na dadanasin lupit ng palo?
Doon kaya’y di na magugutom ako,
At di na hihingi ng limos sa tao?”

“Doo’y may mag-ukol kayang pagmamahal
Na kay tagal ko ng ipinagdarasal?
Maranasan kaya ang ako’y ipasyal
Sa isang magara’t masayang karnabal?”

“Makapag-aral kaya sa paaralan
At ako’y di maging palaboy sa daan?
May uuwian kaya akong tahanan
At di abutin ng gabi sa lansangan?”

Patuloy ang musmos sa paglakbay-isip;
Sa lumbay at pagod, ang bata’y naidlip.
Kapagdaka ay nagbago ang paligid;
Naging luntia’t nawala ang ligalig.

Sa tabi niya’y bumaba’ang isang ada:
“Munting bata, imulat iyong mga mata.
Bangon, halika, sa akin ay sumama,
Ang kinabukasan ay ipakikita.”

Sila’y lumipad sa pusod ng pangarap ;
Umilanglang sa ibabaw ng mga ulap.
Kalaro niya’y mga ibong di-maiilap,
Magaganda’t maaamong alitaptap.

Sa mga diwata’y nakikipagtaguan,
Sa mga duwende’y nakikipaghabulan.
Walang kapantay ang kaniyang kasiyahan,
Manapa’y ngayon lang niya naranasan.

Sa ulo niya’y may palad na dumampi,
Puno ng pagmamahal at nagwawari.
Siya’y inakay sa dulo’ng bahaghari,
Sa kaharian na walang naaapi.
 
“Halika munting bata at iyong masdan,
Larawan ng bukas, takdang kapalaran.
Magmula ngayo’t hanggang kailan pa man,
Pagkaulila’y di na mararanasan.”

“Magmula ngayo’t hanggang sa Pagbabalik,
At hanggang sa paghuhukom ng daigdig,
Ikaw ay may puwang na sa Aking dibdib;
Aking pagpapala’y iyong makakamit.”

“Munti kong anghel, ika’y muling mahimbing,
At ako’y lalagi na sa iyong piling.
Ang pangarap mong ligaya at sagimsim
Ay katotohanang iyong tatamuhin.”

Nang muling imulat niya ang mga mata;
May bahid ng luha sa galak at tuwa,
Nagbubukang-liwayway na ang umaga
– ang bagong umagang puno ng pag-asa.

Siya’y tumindig at masiglang tinanaw
Ang mga mumunting sutlang sinag ng araw.
Init nito’y sa hamog nangingibabaw,
Tandang sa kanya’y mayroong tumatanglaw.

Sa ulo niya’y may palad na dumampi,
Puno ng pagmamahal at nagwawari.
Siya’y inakay sa tahanang sarili,
Ngayo’t kailanma’y di na maaapi.

 
(isinulat noong 1978-1979)

No comments:

Post a Comment