ISANG KUWENTO, DALAWANG TULA, TATLONG PARI
Maraming nangyari sa buwan ng Setyembre, subalit ang
naririto ay masasabing kakaiba. Kung bakit, basahin po at unawain: Isang maikling
kuwentong may inspirasyon ng Banal na Kasulatan na nagbabadya ng matuwid na pagbabago;
dalawang tula, ang una’y magbibigay tuwa at ang huli’y isang pangitain
nagbababala. Tumutukoy sa tatlong paring magkakaiba, tumahak ng kaniya-kaniyang
landas: Ang isa’y nagmumuni sa katotohanan, ang isa’y naghahayag ng
katotohanan, at ang huli ay naghahayag ng katotohanan niyang kaanyuan.
ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA UNANG
KASALANAN
Isang Maikling-Maikling Kuwento
na Batay sa Tunay na Pangyayari
Papauwi na si Newton mula sa pakikipag-meeting sa isang architect
tungkol sa isang gusaling gagawan niya ng structural
design. Dumaan siya sa isang mall
upang bumili ng panghapunan.
Sa isang bahagi ng mall
napansin niyang may nagkukumpulang mga tao. Patungo rin siya sa dakong iyon.
Nakita niyang may tila mababang entablado at may pulpito sa ibabaw nito. May
nagsasalitang pari, kaya akala niya ay may nagmimisa.
Nang mapalapit siya, nalaman niyang tapos na pala ang misa
at nakikipag-usap ang pari sa mga nakikinig na tao. Ang paksang pinag-uusapan
ay ang kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa original sin o ang “unang kasalanan” daw
ng tao.
Sinabi ng pari na batay sa Bibliya, “nagkasala” si Adam at
Eba dahil sinuway nila ang utos ng Diyos na huwag kakain sa “bunga ng
punongkahoy ng karunungan sa pagkaalam ng mabuti at masama,” at ito umano ang
“unang kasalanan.”
“Maging si Pangulong Duterte ay nagkakasala dahil sa hindi
niya pagtanggap na nagkasala si Adam at Eba!” Pahayag ng pari.
Palalagpasin na sana ni Newton ang narinig, ngunit nakita
niyang marami sa mga naiwang nakikinig sa pari ay mga guro at kabataang
estudyante. Si Newton ay dating Katoliko na sa UST, na isang pamantasang
Katoliko, pa nagtapos. Una siyang natutok sa pagbabasa ng Bibliya sa mga Theology classes nila. Ang kaniyang guro
sa naturang klase, si Miss Pereras, ay kakaiba sa lahat. Ito ang nagmulat sa
kaniya ng kahalagahan ng Bibliya, ang pamanang mga banal na salitang aral ng
Diyos, para sa mga tao.
Saglit na nagbalik ang alaala ni Newton sa nakalipas. Sa
kaniyang pagbabasa ng Banal na Kasulatan noong siya ay estudyante pa lamang,
marami siyang nakitang hindi tugma sa Bibliya sa mga panuntunan at kagawian ng
relihiyong Katolikong kaniyang kinamulatan. Tinanong niya ang kaniyang guro
tungkol dito.
“Sa pagbabasa ng Bibliya, dapat mong buksan ang puso mo’t
pag-iisip at isa-isang tabi ang lahat ng mga bagay.” Sabi ni Miss Pereras.
“Paano po kung itong relihiyon natin ay salungat sa
itinuturo ng Bibliya?” Tanong ni Newton.
“Ano ba ang mga nakasulat sa Bibliya? Ano ang mga ito na
lagi nating pinag-uusapan sa klase?” Ang guro naman ang nagtanong pabalik.
“Ang mga salita ng Diyos.” Sagot ni Newton.
“May hihigit pa ba sa salita ng Diyos?” Si Miss Pereras
muli.
“Kung gayo’y mali ang pagsamba sa mga rebulto katulad ng
sinasabi sa Ikalawang Utos sa Exodo 20. Mali po ang mga ginagawa ng mga
Katoliko?” Dagdag na tanong ni Newton.
“Hmmm..... Tanungin mo ang iyong puso, Newton. Ang Diyos
ang magpapabatid sa’yo ng katotohanan.” Ngumiti si Miss Pereras, tumalikod na
tila umiiwas na sagutin ng tahasan ang tanong, at sa paglakad papalayo ay
muling lumingon kay Newton. “Hindi naman lahat ng Katoliko ay sumasamba sa
rebulto. Marami rin ang sumusunod sa Bibliya.”
“Ano po ang tama at dapat gawin....?” Isang pahabol na
tanong ni Newton.
“Sa abot ng iyong makakaya, ipaglaban mo ang katotohanan ng
salita ng Diyos....!” Ang huling narinig na pangungusap ni Miss Pereras at
tumuloy na ito sa loob ng faculty room.
Pagkatapos ng sandaling pagmumuni, muling natuon ang pansin
ni Newton sa paring nakikipag-usap sa mga guro at estudyante. Lumapit siya at
nagtanong sa mga estudyante kung sino ang mayroong dalang Bibliya. Dalawa ang
nag-abot. Pumili siya ng isa.
“Maaari po bang magtanong, Sir?!” Nagtaas ng kamay si
Newton upang mapansin siya ng pari. Lumingon sa kaniya ang lahat.
“Oo naman. Ano iyon, iho....?” Nakangiting sagot ng pari.
“Saan po ba matatagpuan sa Bibliya ang sinasabing original sin?” Itinaas ni Newton ang
hawak na Bibliya habang nagtatanong.
“Ah.... Sa Genesis.”
“Saan po sa Genesis? Ano pong kapitulo at berso?”
“Hmm.... Hindi ko matandaan ang eksaktong verse pero siyempre nasa chapter 1 ang kuwento nina Adam at Eva
at ang pagtukso ng ahas sa kanila.”
“Ang pagtukso po ng ahas kina Adam at Eba ay nasa chapter 3 pero wala naman pong binanggit
na original sin.”
“Sumuway sina Adam at Eba sa utos ng Diyos na huwag kakain
sa ipinagbabawal na prutas kaya sila ay nagkasala, at iyon ang unang
pagkakasalang ginawa ng tao, ang original
sin.”
“Sumuway, opo, subali’t wala naman pong naisulat na iyon ay
ibinilang na kasalanan.”
“Hindi ba kapag sumuway ka sa utos ay nagkakasala ka.”
“Tinukso po sila ng ahas at wala po silang sariling
pag-iisip o free will kaya agad
silang sumunod.”
“Aba, mali yata ang sinabi mo, iho. Nang lalangin ng Diyos
ang tao, mayroon na silang free will.
Malaya silang gawin ang gusto nila maliban sa ipinagbawal sa kanila. Kaya nang
sumuway sila rito ay nagkasala sila at pinarusahan, at pinalayas sa Paraiso.”
“Paumanhin po, pero hindi po ganun eksakto ang nasusulat sa
Bibliya. Maaaring pinarusahan po sila at binigyan ng dagdag na gawain bilang
tao dahil sa kanilang pagsuway, pero kung uunawain po nating mabuti hindi po
ibinilang iyon na kasalanan. Pinaalis po sila sa Paraiso upang hindi nila
makain din ang bunga ng punongkahoy ng buhay na walang hanggan at maging gaya
ng Diyos. Katunayan nga po, kung inyong babasahin sa Kapitulo 3 Berso 20,
dinamitan pa sila ng Diyos bago pinaalis sa Paraiso.”
Nagsimula na ring magbuklat ng Bibliya ang pari dahil sa
mapanaliksik na pag-uusisa ni Newton. Tila hindi makita ng pari ang kaniyang
hinahanap sa bersyon ng bibliyang hawak niya kaya humingi pa siya ng iba,
hanggang sa matagpuan na niya ang hinahanap.
“Ah heto, maliwanag na sinasabi na “nagkasala ang tao.”
Natutuwang sabi ng pari.
“Iyan po ay pabungad sa Kapitulo 3 ng Genesis sa Magandang Balita Biblia, hindi po ba?”
“Tama!”
“May dalawa naman pong magkaibang bersyon ng Bibliya akong
hawak dito na parehong nagsasabi sa parehong talata na “ang pagtukso at pasuway
nina Adam at Eba.”
“Pagsuway, kasalanan, pareho lang iyon, iho.”
“Malayo po ang pagkakaiba kung Bibliya ang pag-uusapan.”
“Paano mo naman nasabi iyan?”
“Katulad ng sinabi ko po kanina, wala pa po kasi silang free will kaya hindi pa po maaaring
ibilang na kasalanan ang kanilang ginawa.”
“Diyan tayo hindi magkakasundo, iho. Malaya silang gawin
ang gusto nila. Sumuway sila, samakatuwid, nagkasala sila.”
“Tanggap po na sumuway sila dahil sa pagtukso ng ahas, pero
paano hahatulang nagkasala sila kung hindi pa nila alam kung ano pagkakaiba ng
mabuti at masama?”
Nagsimulang magkaingay ang mga guro at estudyante sa
paligid. Tila natumbok na nila ang gustong ipahiwatig ni Newton.
“Hindi ba’t nagkaroon lamang ng karunungan o kaalaman tungkol
sa mabuti at masama sina Adam at Eba matapos nilang kanin ang bunga ng punongkahoy
ng pagkakilala sa mabuti at masama. Kaya nga, sa panuntunang ito na inilalahad
ng Bibliya, sumuway sila Adam at Eba sa bilin ng Diyos na huwag kakain ng
ipinagbabawal na bunga, na bagama’t may ipinataw na dagdag na hirap sa kanilang
buhay, iyon ay aral na dapat nilang tandaan na ang pagsuway sa utos ay may
kalakip na kaparusahan. Hindi iyon ibinilang na kasalanan dahil sa kanilang
kawalang-kamuwangan.” Paliwanag ni Newton
“Kailan sa palagay mo unang nagkasala ang tao kung gayon?” Malumanay
na nagtanong ang pari.
“Matapos silang magkaroon ng kaalaman tungkol sa mabuti at
masama. Ito po ay nasa Kapitulo 3 Talatang 7 at 22. Pagkatapos nito, ano mang
masamang gawa ay ibinibilang na kasalanan, bagama’t wala pa ito sa ilalim ng
Kautusan. Lumipas pa ang libong mga taon bago naibigay ang panuntunan sa
pamamagitan ng Sampung Utos na ibinigay ng Diyos kay Moses.”
“Ikaw ba’y isang pastor-protestante?” Lumapit ang pari kay
Newton.
“Hindi po, isa lang po akong mag-aaral ng Bibilya.”
“Ako’y narito upang magturo, subali’t sa araw na ito, ang
mag-aaral ang nagturo sa akin.” Nagkipagkamay ang pari kay Newton at bumaling
sa mga nakikinig. “Kaya kayo, ugaliin ninyong magbasa ng Bibliya at mag-aral sa
salita ng Diyos.”
Sumunod ay itinaas ng pari ang kanang kamay ni Newton.
Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.
(Isinulat Hunyo 28, 2018)
o O o
HIMALA!
Isang pari, isang pari!
Ipinagtanggol at pinuri
Si Marcos at ang Martial Law!
Abaw! At Aquino pa ang apelyido!
Talaga lang ha?
Himala! Mayroong himala!
Sa wakas, may pari
Palang may utak at budhi!
Katok, liko, katok, liko, Katoliko,
Nakasimangot ang mga obispo!
Matapang bagama’t nakaabito,
Hindi lang takbo ng takbo!
Maraming kilay ang lumipad
Dumapo sa katotohanang hubad.
Matronang naka-bestidang dilaw,
Nadulas at napasigaw!
May madreng napaihi,
May artistang napangiwi.
Wastong pananaw di-nasagkaan
Sumisilay ang katotohanan!
Naku, baka siya maekskumyunikit
Ipako sa krus ng patiwarik,
Sunugin sa Binondo
Ng mga dilaw na obispo?
Katulad ng ginawa nila noon,
Nang panahon ng Inkuwisisyon!
(Setyembre 23, 2018)
KAMPON NG DILIM
Ang Banal na Kasulatan
May babala sa sangkatauhan:
Sa mga huling araw
Sa mundo'y magsisilitaw
Mga magpapanggap
Na alagad ng liwanag,
Ngunit sa katotohanan
Mga kampon ng kadiliman!
Sila ay inyong makikilala
Sa kanilang pananalita:
Bagama’t may anyong kabanalan
Ang loob ay kasamaan;
Naghahasik ng turo
Tulad sa imbing demonyo;
Ang kanilang idinarasal
Taliwas sa Banal na Aral!
Isa na ang nabunyag,
Nadulas sa kaniyang pahayag:
Sa harap ng pulpito
Nalantad ang palalo,
Idinadalangin ay kasamaan,
Pumapaslang na karamdaman,
Para sa pinuno ng bansa
Na kanilang inuupasala!
Marami pang lalabas
Lilitaw na ang mga pangahas:
Katulad ng nasusulat
Sa Banal na Aklat,
Kapitulo ika-13 ng Apocalipsis
Ang kanilang bilang 6 6 6!
Bayan ko, tayo’y manalangin,
Ang DIYOS ay gumabay sa atin:
Tayo’y bantayan at iligtas;
Tanglawan ating landas,
Laban sa gawang kasamaan
Ng mga kampon ng kadiliman!
(Setyembre 28, 2018)
Basahin din ang MGA TULA PARA SA SETYEMBRE
No comments:
Post a Comment