Sunday, September 30, 2018

ISANG KUWENTO, DALAWANG TULA, TATLONG PARI





ISANG KUWENTO, DALAWANG TULA, TATLONG PARI


          Maraming nangyari sa buwan ng Setyembre, subalit ang naririto ay masasabing kakaiba. Kung bakit, basahin po at unawain: Isang maikling kuwentong may inspirasyon ng Banal na Kasulatan na nagbabadya ng matuwid na pagbabago; dalawang tula, ang una’y magbibigay tuwa at ang huli’y isang pangitain nagbababala. Tumutukoy sa tatlong paring magkakaiba, tumahak ng kaniya-kaniyang landas: Ang isa’y nagmumuni sa katotohanan, ang isa’y naghahayag ng katotohanan, at ang huli ay naghahayag ng katotohanan niyang kaanyuan.

 

ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA UNANG KASALANAN
Isang Maikling-Maikling Kuwento
na Batay sa Tunay na Pangyayari
 
          Papauwi na si Newton mula sa pakikipag-meeting sa isang architect tungkol sa isang gusaling gagawan niya ng structural design. Dumaan siya sa isang mall upang bumili ng panghapunan.
          Sa isang bahagi ng mall napansin niyang may nagkukumpulang mga tao. Patungo rin siya sa dakong iyon. Nakita niyang may tila mababang entablado at may pulpito sa ibabaw nito. May nagsasalitang pari, kaya akala niya ay may nagmimisa.
          Nang mapalapit siya, nalaman niyang tapos na pala ang misa at nakikipag-usap ang pari sa mga nakikinig na tao. Ang paksang pinag-uusapan ay ang kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa original sin o ang “unang kasalanan” daw ng tao.
          Sinabi ng pari na batay sa Bibliya, “nagkasala” si Adam at Eba dahil sinuway nila ang utos ng Diyos na huwag kakain sa “bunga ng punongkahoy ng karunungan sa pagkaalam ng mabuti at masama,” at ito umano ang “unang kasalanan.”
          “Maging si Pangulong Duterte ay nagkakasala dahil sa hindi niya pagtanggap na nagkasala si Adam at Eba!” Pahayag ng pari.
          Palalagpasin na sana ni Newton ang narinig, ngunit nakita niyang marami sa mga naiwang nakikinig sa pari ay mga guro at kabataang estudyante. Si Newton ay dating Katoliko na sa UST, na isang pamantasang Katoliko, pa nagtapos. Una siyang natutok sa pagbabasa ng Bibliya sa mga Theology classes nila. Ang kaniyang guro sa naturang klase, si Miss Pereras, ay kakaiba sa lahat. Ito ang nagmulat sa kaniya ng kahalagahan ng Bibliya, ang pamanang mga banal na salitang aral ng Diyos, para sa mga tao.
          Saglit na nagbalik ang alaala ni Newton sa nakalipas. Sa kaniyang pagbabasa ng Banal na Kasulatan noong siya ay estudyante pa lamang, marami siyang nakitang hindi tugma sa Bibliya sa mga panuntunan at kagawian ng relihiyong Katolikong kaniyang kinamulatan. Tinanong niya ang kaniyang guro tungkol dito.
          “Sa pagbabasa ng Bibliya, dapat mong buksan ang puso mo’t pag-iisip at isa-isang tabi ang lahat ng mga bagay.” Sabi ni Miss Pereras.
          “Paano po kung itong relihiyon natin ay salungat sa itinuturo ng Bibliya?” Tanong ni Newton.
          “Ano ba ang mga nakasulat sa Bibliya? Ano ang mga ito na lagi nating pinag-uusapan sa klase?” Ang guro naman ang nagtanong pabalik.
          “Ang mga salita ng Diyos.” Sagot ni Newton.
          “May hihigit pa ba sa salita ng Diyos?” Si Miss Pereras muli.
          “Kung gayo’y mali ang pagsamba sa mga rebulto katulad ng sinasabi sa Ikalawang Utos sa Exodo 20. Mali po ang mga ginagawa ng mga Katoliko?” Dagdag na tanong ni Newton.
          “Hmmm..... Tanungin mo ang iyong puso, Newton. Ang Diyos ang magpapabatid sa’yo ng katotohanan.” Ngumiti si Miss Pereras, tumalikod na tila umiiwas na sagutin ng tahasan ang tanong, at sa paglakad papalayo ay muling lumingon kay Newton. “Hindi naman lahat ng Katoliko ay sumasamba sa rebulto. Marami rin ang sumusunod sa Bibliya.”
          “Ano po ang tama at dapat gawin....?” Isang pahabol na tanong ni Newton.
          “Sa abot ng iyong makakaya, ipaglaban mo ang katotohanan ng salita ng Diyos....!” Ang huling narinig na pangungusap ni Miss Pereras at tumuloy na ito sa loob ng faculty room.
          Pagkatapos ng sandaling pagmumuni, muling natuon ang pansin ni Newton sa paring nakikipag-usap sa mga guro at estudyante. Lumapit siya at nagtanong sa mga estudyante kung sino ang mayroong dalang Bibliya. Dalawa ang nag-abot. Pumili siya ng isa.
          “Maaari po bang magtanong, Sir?!” Nagtaas ng kamay si Newton upang mapansin siya ng pari. Lumingon sa kaniya ang lahat.
          “Oo naman. Ano iyon, iho....?” Nakangiting sagot ng pari.
          “Saan po ba matatagpuan sa Bibliya ang sinasabing original sin?” Itinaas ni Newton ang hawak na Bibliya habang nagtatanong.
          “Ah.... Sa Genesis.”
          “Saan po sa Genesis? Ano pong kapitulo at berso?”
          “Hmm.... Hindi ko matandaan ang eksaktong verse pero siyempre nasa chapter 1 ang kuwento nina Adam at Eva at ang pagtukso ng ahas sa kanila.”
          “Ang pagtukso po ng ahas kina Adam at Eba ay nasa chapter 3 pero wala naman pong binanggit na original sin.”
          “Sumuway sina Adam at Eba sa utos ng Diyos na huwag kakain sa ipinagbabawal na prutas kaya sila ay nagkasala, at iyon ang unang pagkakasalang ginawa ng tao, ang original sin.”
          “Sumuway, opo, subali’t wala naman pong naisulat na iyon ay ibinilang na kasalanan.”
          “Hindi ba kapag sumuway ka sa utos ay nagkakasala ka.”
          “Tinukso po sila ng ahas at wala po silang sariling pag-iisip o free will kaya agad silang sumunod.”
          “Aba, mali yata ang sinabi mo, iho. Nang lalangin ng Diyos ang tao, mayroon na silang free will. Malaya silang gawin ang gusto nila maliban sa ipinagbawal sa kanila. Kaya nang sumuway sila rito ay nagkasala sila at pinarusahan, at pinalayas sa Paraiso.”
          “Paumanhin po, pero hindi po ganun eksakto ang nasusulat sa Bibliya. Maaaring pinarusahan po sila at binigyan ng dagdag na gawain bilang tao dahil sa kanilang pagsuway, pero kung uunawain po nating mabuti hindi po ibinilang iyon na kasalanan. Pinaalis po sila sa Paraiso upang hindi nila makain din ang bunga ng punongkahoy ng buhay na walang hanggan at maging gaya ng Diyos. Katunayan nga po, kung inyong babasahin sa Kapitulo 3 Berso 20, dinamitan pa sila ng Diyos bago pinaalis sa Paraiso.”
          Nagsimula na ring magbuklat ng Bibliya ang pari dahil sa mapanaliksik na pag-uusisa ni Newton. Tila hindi makita ng pari ang kaniyang hinahanap sa bersyon ng bibliyang hawak niya kaya humingi pa siya ng iba, hanggang sa matagpuan na niya ang hinahanap.
          “Ah heto, maliwanag na sinasabi na “nagkasala ang tao.” Natutuwang sabi ng pari.
          “Iyan po ay pabungad sa Kapitulo 3 ng Genesis sa Magandang Balita Biblia, hindi po ba?”
          “Tama!”
          “May dalawa naman pong magkaibang bersyon ng Bibliya akong hawak dito na parehong nagsasabi sa parehong talata na “ang pagtukso at pasuway nina Adam at Eba.”
          “Pagsuway, kasalanan, pareho lang iyon, iho.”
          “Malayo po ang pagkakaiba kung Bibliya ang pag-uusapan.”
          “Paano mo naman nasabi iyan?”
          “Katulad ng sinabi ko po kanina, wala pa po kasi silang free will kaya hindi pa po maaaring ibilang na kasalanan ang kanilang ginawa.”
          “Diyan tayo hindi magkakasundo, iho. Malaya silang gawin ang gusto nila. Sumuway sila, samakatuwid, nagkasala sila.”
          “Tanggap po na sumuway sila dahil sa pagtukso ng ahas, pero paano hahatulang nagkasala sila kung hindi pa nila alam kung ano pagkakaiba ng mabuti at masama?”
          Nagsimulang magkaingay ang mga guro at estudyante sa paligid. Tila natumbok na nila ang gustong ipahiwatig ni Newton.
          “Hindi ba’t nagkaroon lamang ng karunungan o kaalaman tungkol sa mabuti at masama sina Adam at Eba matapos nilang kanin ang bunga ng punongkahoy ng pagkakilala sa mabuti at masama. Kaya nga, sa panuntunang ito na inilalahad ng Bibliya, sumuway sila Adam at Eba sa bilin ng Diyos na huwag kakain ng ipinagbabawal na bunga, na bagama’t may ipinataw na dagdag na hirap sa kanilang buhay, iyon ay aral na dapat nilang tandaan na ang pagsuway sa utos ay may kalakip na kaparusahan. Hindi iyon ibinilang na kasalanan dahil sa kanilang kawalang-kamuwangan.” Paliwanag ni Newton
          “Kailan sa palagay mo unang nagkasala ang tao kung gayon?” Malumanay na nagtanong ang pari.
          “Matapos silang magkaroon ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Ito po ay nasa Kapitulo 3 Talatang 7 at 22. Pagkatapos nito, ano mang masamang gawa ay ibinibilang na kasalanan, bagama’t wala pa ito sa ilalim ng Kautusan. Lumipas pa ang libong mga taon bago naibigay ang panuntunan sa pamamagitan ng Sampung Utos na ibinigay ng Diyos kay Moses.”
          “Ikaw ba’y isang pastor-protestante?” Lumapit ang pari kay Newton.
          “Hindi po, isa lang po akong mag-aaral ng Bibilya.”
          “Ako’y narito upang magturo, subali’t sa araw na ito, ang mag-aaral ang nagturo sa akin.” Nagkipagkamay ang pari kay Newton at bumaling sa mga nakikinig. “Kaya kayo, ugaliin ninyong magbasa ng Bibliya at mag-aral sa salita ng Diyos.”
          Sumunod ay itinaas ng pari ang kanang kamay ni Newton. Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.
(Isinulat Hunyo 28, 2018)
                                                o     O     o
 

         

HIMALA!
 
Isang pari, isang pari!
Ipinagtanggol at pinuri
Si Marcos at ang Martial Law!
Abaw! At Aquino pa ang apelyido!
Talaga lang ha?
Himala! Mayroong himala!
 
Sa wakas, may pari
Palang may utak at budhi!
Katok, liko, katok, liko, Katoliko,
Nakasimangot ang mga obispo!
 
Matapang bagama’t nakaabito,
Hindi lang takbo ng takbo!
Maraming kilay ang lumipad
Dumapo sa katotohanang hubad.
Matronang naka-bestidang dilaw,
Nadulas at napasigaw!
 
May madreng napaihi,
May artistang napangiwi.
Wastong pananaw di-nasagkaan
Sumisilay ang katotohanan!
 
Naku, baka siya maekskumyunikit
Ipako sa krus ng patiwarik,
Sunugin sa Binondo
Ng mga dilaw na obispo?
Katulad ng ginawa nila noon,
Nang panahon ng Inkuwisisyon!
 
(Setyembre 23, 2018)

 

KAMPON NG DILIM
 
Ang Banal na Kasulatan
May babala sa sangkatauhan:
Sa mga huling araw
Sa mundo'y magsisilitaw
Mga magpapanggap
Na alagad ng liwanag,
Ngunit sa katotohanan
Mga kampon ng kadiliman!
 
Sila ay inyong makikilala
Sa kanilang pananalita:
Bagama’t may anyong kabanalan
Ang loob ay kasamaan;
Naghahasik ng turo
Tulad sa imbing demonyo;
Ang kanilang idinarasal
Taliwas sa Banal na Aral!
 
Isa na ang nabunyag,
Nadulas sa kaniyang pahayag:
Sa harap ng pulpito
Nalantad ang palalo,
Idinadalangin ay kasamaan,
Pumapaslang na karamdaman,
Para sa pinuno ng bansa
Na kanilang inuupasala!
 
Marami pang lalabas
Lilitaw na ang mga pangahas:
Katulad ng nasusulat
Sa Banal na Aklat,
Kapitulo ika-13 ng Apocalipsis
Ang kanilang bilang 6 6 6!
 
Bayan ko, tayo’y manalangin,
Ang DIYOS ay gumabay sa atin:
Tayo’y bantayan at iligtas;
Tanglawan ating landas,
Laban sa gawang kasamaan
Ng mga kampon ng kadiliman!
 
(Setyembre 28, 2018)
 

 

Thursday, September 27, 2018

MGA TULA PARA SA SETYEMBRE




MGA TULA PARA SA SETYEMBRE 

PAG-IBIG SA DIYOS

Sa mga nilalang ng buong sansinukob,
Anong mayroon na ipinagkaloob,
Na walang katulad; walang hangganan?
Pag-ibig na walang pag-aalinlangan!

Ang pag-ibig na hindi nagmamapuri
At hindi kailanma’y nananaghili;
Ang pag-ibig na lahat ay tinitiis
At hindi pansin kahit anomang dungis.

Pag-ibig na gawang nagpapahalaga,
Taos na paglingap sa kanyang kapuwa,
Mula sa aral ng Kasulatang Banal.
Ito’ng pag-ibig sa Diyos na Maykapal.

(Isinulat noong Setyembre 1, 2014)




KAILAN? SINO?

Kung hindi ngayon ay kailan pa ba?
Kung hindi ang mamamayan, sino kaya?
Kailan? Sino? Katanungan ng masa,
Kasaguta’y hanap sa sarili’t kap’wa.

Mga maralitang sa kuko ng mayaman,
Pagdurusa ay waring walang hangganan.
Mga tao ba’y manhid sa dakong Silangan
At karainga’y nilulunok na lamang?

Mga mag-aaral nagnanais matuto
Sa gitna nitong paghihirap ng mundo;
Dagdag na pamatok sa kanilang ulo
Pilit itinarak sa kanilang bungo!

Mga manggagawang sa lipuna’y haligi,
Pilit binabaka hirap at pighati;
Haplit sa likod ang sa kanila’y sukli,
Mapagsamantalang sukab na may-ari!

Mga magsasakang sa bukid ay alagad,
Alipin ng mga sa kasakima’y sagad;
Tanikalang gapos dapat ng mapigtas,
Sa himagsik ng dibdib na nag-aalab!

Mga mamamaya’y lipos sa paghihirap,
Bulag na sa kadugo’y walang paglingap;
Habang ang mga dayuha’y nagpapasarap
Sa yaman ng bayang basag ang pangarap!

Mga bayaning limot, gabay ng panahon,
Masdan ang bayang nililigid ng alon;
Sa puntod ng Dakila kayo’y magbangon,
Baya’y tulungang sa kumunoy iahon!

Bumangon ka mutyang Hiyas ng Silangan,
Gisingin, diwang alipin ng Kanluran;
Isiwalat ang dilawang kamangmangan,
Magkaisa’t panlilinlang ay labanan!

Bangon na mga Kabataang Makabayan,
Mga anak na pag-asa ng Inang Bayan;
Ang sandata niyong utak at panitikan,
Ibugso na’t igawad ang katarungan!

Bangon na mga Manggagawang Maralita,
Sa pagkaalipi’y lubos na makibaka;
Lagutin na ang dayuhang tanikala,
Kamao’t diwa ang gamiting sandata!

Bangon na mga Magsasakang Kayumanggi,
Nasa mga palad niyo ang bagong binhi;
Kayo na pulubi sa bayang sarili,
Hasain ang karit, gapos ay iwaksi!

Bumangon ka, O Dakilang Maharlika,
Sa bagong umaga’y iharap ang mukha;
Iahon mo sa lusak ng pagdurusa
Ang kapuluang itong pamana ni Bathala!

Bangon na’t ating iguhit ang tadhana,
Sa pagkamakabayan ay magkaisa;
Ang bawa’t himagsik may ganting pala,
Tagumpa’y kakamtin sa pakikibaka!

Bangon na’t ating itaas ang kamangyan,
Mga tanikala sa kamay at paanan,
Pagkaalipin sa lupang sinilangan,
Lagutin na, ngayon, ikaw, aking bayan!

(Unang nailimbag sa The People’s Horizons Vol. VI No. 1, Pebrero 4, 1987.
Ginawan ng pagbabago at pagsasaayos, Setyembre 11, 2016.)




NALANTANG KAMPANILYA

Bilang na ang mga araw mo
Sa pagdating ng bagong ulan.
Pangakong napako,
Tungkuling nilapastangan.
Kaya ngayo’y ang mga sanga
Ay nakahapay;
Ang mga ugat, inaanay!
Panahon na!

Mga talulot na dilaw ay natuyo
Sa kapalaluan nahirati.
Paghihiganti ang amo,
Kapangyarihan ang lunggati.
Kaya ang ganda ng kulay
Ay pumanaw;
Ang hilagyo, nalusaw!
Panahon na!

Sagisag ng pag-asa,
Isang pagkukunwari.
Kumandiling lupa
Sa kataksila’y nalason, nasawi.
Ang nagtanim nayamot
Sa sukab;
Galit lubhang nag-alab!
Panahon na!

Sa pagkalanta, kapanilyang dilaw,
Hindi hinagpis ang maririnig
Kundi pagbubunyi, galak, hiyaw,
Luoy na ang sagisag ng manlulupig.
Oligarkiya, pasista,
Sa takap ng bayang naghirap
Banaag ang bagong tuwa
Para sa Bagong Hinaharap!

(Orihinal na isinulat noong August 2, 2017. Bahagyang binago, Setyembre 12, 2018.)

 


ALAALA SA ISANG LANGAY-LANGAYAN

Malupit ang lintik na tumama
Sa tikas ng punongkahoy.
Nasunog ang mga sanga,
Mga dahon kinain ng apoy.

Makatarungan ang Diyos,
Isang unos ang nabuo.
Ulan, malakas na bumuhos,
Lagablab, duwag na naglaho.

Isang inakay ang nakalugmok,
Pataksil na pinaslang,
Ng pasistang nakaluklok,
Sa kapangyariha’y hibang!

Sa aking kaibigan, isang panata,
Daang ulit mang puksain,
Mananatili ang pakikibaka
Laban sa mga imbi at sakim!

Nanatiling buhay ang mga ugat,
Mula rito’y uusbong na muli,
Sanga-sangang akibat
Ng bagong pagpupunyagi!

Mga sangang kakandili
Sa libong langay-langayan;
Sa tunog ng mga tambuli
Magbabatay sa Inang Bayan!

[Isang tulang isinulat noong Setyembre 19, 2012, bilang alay at pag-alaala
sa ika-25 taon ng pagyao ni Leandro “Lean”Alejandro (1960-1987), magiting na aktibista,
biktima ng pamamaslang ng rehimen ni Cory Aquino.]

 


HINDI DILAW ANG KULAY NG PAKIKIBAKA!

Maingay kahit kakaunti; mapusok na walang dili-dili,
Kahit ang adhikain ay tuliro kung tama o mali!

Aktibista, ngayon, sa panahon ng Internet,
May martsa sa lansangan, agad naipahahatid.

Sa gitna ng tag-araw ay umuulan,
Pagdating ng taglamig ay saksakan ng init!

Bagong panahon? Ito ay tanong.
Anong nangyari sa aktibismo? Balimbing at tipaklong!

Sa lansangan ibinuhos kinimkim na galit?
Totoong galit o binuyong galit?
Tuloy ang martsa!
Sinu-sino ang kasama?
Madre, pari, pasista,
Mga galamay ng oligarkiya!
Laban umano sa diktadura
Aktibismong nabahiran ng dungis,
Kulapong salapi, ibang diwa,
Naging kanan na ang kaliwa!
 
Hala, ihanda na ang rebultong papel at karton,
Sisipain, susunugin sa demonstrasyon,
Tanda ng galit
At di-pagsang-ayon!
Totoong galit o binuyong galit?
Inuulit-ulit ng makulit. Saan sasang-ayon?
Tanong ng lider sa mga naroon:
Bakit kakaunti tayo ngayon?
Umaaraw naman
At kay ganda ng panahon?
Nang umulan nang humapon
Naiwan na lang ang mga miron!

Mga estudyanteng lumiban
Sa klase, ayaw ng Math?
Mga madreng katatapos mag-Inasal,
Ayayay balubalo, hindi dasal!
Mga nakakotseng magara,
Kumakaway sa nagdaraan;
Tumatawag pansin, sila kaya’y artistang
Di-kilala o sanhi lamang ng kahibangan?

Isinisigaw sa protesta
Ay bumaba ang nakaupo.
Ang nasa likuran kaya ay sino?
Ah mga pulitikong nais umupo,
Pumalit sa lukulukan ng nakaupo;
Mga talunan sa halalan, tinalo ng nakaupo!

Mga kabataang ligaw
Ang isip sa tunay na dahilan
Ng hinagpis ng taong-bayang
Matagal na pinaglaruan ng kasaysayan;
Ng inilihis at itinagong kasaysayan!
Likaw, liko, lihis, lisya,
Kasaysayang itinakda ng puting dayuhan!

Kayo ba’y mga daga,
Mga dagang agaw-buhay,
May nakataling lata
Sa mga buntot,
Pinakakawalan upang mag-ingay
Sa pagbubukang-liwayway,
Tulo ang laway,
Dilaw ang kulay?

Dilaw, ayon sa awiting Kano,
Kulay ng lasong nakatali sa puno.
Dilaw, dilaw, paninibugho!
Sa kabilang dulo
Dilaw, dilaw, pagtataksil
Sa pagsuyo!
Dilaw, dilaw, o hindi!
Malik-mata, masamang anyo!
Dilaw na ba
Ang kulay ng aktibismo?
Karuwagan ipinalit sa tapang;
Samyo ng bangis pinalitan ng baho!
Nasaan na ang bugso
Ng unos, tikom na kamao?
Nasa ibaba, sa pagitan ng hita?
Ihi na lang ba ito ng lawit na may tulo?

Dilaw, dilaw ang kulay ng ihi,
Ubod ng sangsang at walang kasing-panghi!
Dilaw, dilaw, manapa’y
Ito rin ang kulay ng tae
Na nakakalat sa pusali!
Naku po! Natigil ang pagmumuni!
Dilaw, dilaw na ba
Ang kulay ng pakikibaka?
Utak umurong; puso’y napipi!
Huwag! Huwag sana! Huwag sanang mangyari!
Ako, ikaw, kayo, sila
Ay maghunos-dili.
Nakakasulasok!
Nakakadiri!

Papayag ka ba na ang dugo’y maging ihi,
Ang himaymay ng laman maging dilaw na dumi?
Hindi! Hindi! Hindi!
Hinding-hindi!

(Ito ang unang tulang isinulat ko pagkatapos ng “Huling Ngiti
na inialay ko sa aking yumaong ina.
Ako’y nabigyan ng mapalad na pagkakataong limiin ang aklat ng tula, Dungol,
ni Rebecca T. Añonuevo, premyadong manunulat at makata.
Mula rito muli akong nagkaroon ng bagong inspirasyon na muling sumulat ng mga tula,mula sa diwa at sagimsim ng aking isip. Setyembre 21, 2018)




ANG LANGAW, BAW!

Insektong langaw,
Dapua’y humihiyaw,
Diring-diring alibayaw.
Tanging manliligaw,
Pulitikong dilaw!

Insektong langaw,
Kahit ang kalabaw
Sa burak nagtampisaw,
Buntot bumubugaw
Sa maruming dalaw!

Insektong langaw,
Lahat sinasaklaw,
Dinadahas, inaagaw,
Dangal na bahaw
Ng pulubing ligaw.

Insektong langaw,
Hilig kaulayaw,
Bagay na madilaw:
Ihi, taeng maalingasaw
Ng pedopilyong halimaw!

Insektong langaw,
Hinahabol ng hataw,
Laging alimpapayaw.
Tulad sa magnanakaw,
Pulitikong dilaw!

Insektong langaw,
Mata, pati muta, dilaw;
Limang-dadaaning dilaw;
Kandidatong dilaw.
Tsuuu! Ayaw! Ayaw! Ayaw!

(September 24, 2018)




IWAKSI, LIGAW NA LUWALHATI

Isang pinipitagang manunulat
Sa larangan ng panitik
premyado’t sikat.
Ganoon na lamang ang galit,
Kinimkim saka ibinulalas.
Ang kaniyang panig;
Ang katuwirang nabuo,
Maaaring tama at matuwid
O bunga lamang ng buyo
Ng dilaw na kapanalig!
Luwalhati ang tawag,
Tinitingala at pinupuri,
Pumasok nawa ang liwanag,
Walang bahid na pagsusuri.
Binaligtad na katotohanan
Itumpak, iparinig, ipakita,
Sa isip maunawaan,
Sa puso’y madama!
 
Mga komentarista
Sa dilawang istasyon ng TV,
Napanood kumakanta,
Ah bonus sa Pasko ay malaki!
Kaya’t tahasang panglalait
Sa isang yumaong pinuno,
Tulad lamang ng paggupit,
Buhok sa panot na ulo.
Katarungan ba ang usapin,
Sandata’y pagkutya?
Gayo’ng tunay na hangarin,
Galitin ang madla!
Madlang bukas na ang isip,
Hindi na palilinlang
Sa mga sukab at sipsip.
Huwag ipilit pandadarang,
Baka sa inyo’y bumalik,
Kayo ang silaban!

Iwaksi, ligaw na luwalhati
Sa imbot at karuwagan;
Sa paninibugo, paghihiganti;
Sa gawang tampalasan.
Senador na nalulukag,
Paring kampon ng dilim,
Komentaristang may kabag,
Kandidatong adik at sakim,
Mga itlog na nabasag
Saan kaya pupulutin?
Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto’t bulaklak,
Alab mo’y nagniningas,
May bago ng tinatahak!
Kasamaan ay lipulin,
Korapsyon sagasaan,
Upang tagumpay ay kamtin,
O bayan kong sinilangan!

(Isinulat ko ang tulang ito bilang tugon sa mga nanglalait at panglalait
at sa nakaupong Pangulong Rodrigo R. Duterte. Setyembre 25, 2018)